Isang uri ng New Age therapy ang crystal therapy o paggamit ng quartz at mga batong hiyas bilang instrumento sa pagpapaigi ng pakiramdam at kalusugan ng mga tao.
Sinasabi ng crystal healers na may “vibrational energy system” ang bawat nilalang—mapahalaman man, hayop o tao. Kabilang sa VES ang chakra (mga energy centers na nagmumula sa pinakadulo ng ating gulugod o kuyukot (root chakra), hanggang sa pinakatuktok ng ating ulo (crown chakra), electromagnetic fields na kilala rin sa tawag na aura, subtle bodies (kaluluwa) at meridians o hindi nakikitang mga hangganan ng ating katawan, espiritu at kaluluwa.
Kapag nagkakasakit ang isang tao, nagiging disintunado o wala sa tono ang vibrational energies na mga ito kaya kailangang panumbalikin sa pamamagitan ng vibrations na inilalabas ng mga kristal o batong hiyas.
Isang uri ng lumang kaalaman sa panggagamot
Matagal nang ginagamit ang mga kristal sa pagpapagaling. Ang unang tala ng paggamit ng ganitong uri ng panggagamot ay sa bansang Ehipto o Egypt.
Ginagamit ng mga Ehipsiyo ang kristal o mga batong hiyas sa pagpapalamuti sa pinakakorona ng paraon (pharaoh) para bigyan siya ng talino at kapangyarihan. Sa kasaysayan ng Lumang Ehipto, tanging ang mga dugong bughaw lamang ang maaaring makagamit ng mga kristal para sa kanilang kalusugan.
Bukod sa mga Ehipsiyo, ang mga Tinggit Eskimos at Contibo tribe sa Amazons ay naniniwalang may taglay na kakaibang kapangyarihan ang mga kristal. Sabi nila, nagsisilbing susi o tulay ang mga ito sa pagitan ng langit (ethereal) at lupa (ephemeral).
Sabi ng alternative healing website na Worldwide Health, kumporme sa kulay, komposisyong kemikal, istrakturang atomiko, at pangkalahatang anyo ng kristal ang taglay na galing nito sa panggagamot ng karamdamang espirituwal, pisikal o sikolohikal/emosyonal.
Ilang uri ng kristal at gamit nito
AMETHYST O VIOLET CRYSTAL—Sinasabing pampasigla ng katawan at panlinis ng maruming dugo; isinusuot ito para mabago ang pag-uugali ng isang tao o disposisyon sa buhay (violet o ube kasi ang kulay ng pagbabago).
BLUE CRYSTALS GAYA NG TURQUOISE AT LAPIZ LAZULI—Para sa karamdamang may kaugnayan sa thyroid at respiratory system partikular sa itaas na bahagi ng baga (upper respiratory tract); nagbibigay ang mga kristal na ito ng ideyalismo, seguridad at mental control sa sinumang magsusuot nito kung kaya bagay na bagay ito sa nagnanais na makapasa sa kanilang mga pagsusulit, doon sa mahihina ang loob at maging sa laging negatibo ang pananaw sa buhay. Ang sapphire naman, na isa ring blue crystal ay pinaniniwalaang nakatutulong sa taong may insomnia samantalang nagbibigay ng kapayapaan sa pag-iisip at nakapagpapakalma ng katawan ang aquamarine.
SODALITES O INDIGO CRYSTALS—Pampalinaw ng isip, pampakalma, anti-aging, ginagamit para mapawi ang mga karamdaman sa mata, ilong, tainga at buto.
GREEN CRYSTALS—Panggamot sa mga sakit sa puso, ibabang bahagi ng baga (lower respiratory tract) at problema sa sirkulasyon ng dugo; pangontra sa labis na selos. Sinasabing ang batong emerald ay tumutulong sa mga taong may mahinang panunaw (digestive system), may kabag at may iritasyon sa balat samantalang ang jade ay para sa sakit sa bato (kidneys), pantog (urinary bladder) at mata. Nakatutulong din umano ang jade para maging malinaw ang pag-iisip. Kabilang sa kategoryang green crystal ang tourmaline at agate.
Bagaman maraming nagsasabing nakatulong ang kristal sa kanilang mga kalusugan at buhay, contestable pa rin ang galing ng kristal sa medisina. Sa medisinang Kanluranin, hindi sampalataya o walang kabilib-bilib sa ganitong uri ng panggagamot. (Nalathala sa PINAS: The Filipino's Global Newspaper)
No comments:
Post a Comment