May nauuso ngayong panggagamot sa sugat na hindi agad gumagaling—ang maggot therapy o kilala rin bilang Maggot Debridement Therapy (MDT).
Ang metodolohiya: Nilalagyan ng disinfected na uod o larvae ng langaw ang sugat at hahayaan itong kainin ang dead tissues na nasa gitna ng sugat.
Pero hindi na bago ang ganitong uri ng alternative therapy o bio-surgery. Sa papel na isinulat nina Whitaker, et al., (2007) para sa Postgraduate Medical Journal (PMJ), isang international refereed journal para sa medisina, gumagamit ng ganitong uri ng wound therapy ang mga miyembro ng tribung Ngemba ng New South Wales sa UK; taong Hill sa Northern Myanmar (Burma dati) ang mga manggagamot na Mayan sa Amerika Sentral.
Noong ika-15 siglo, si Ambroise Pare ang kauna-unahang duktor ng medisina ang gumamit ng MDT samantalang si Baron Dominique-Jean Larrey noong ika-17 hanggang ika-18 siglo ang nakaobserba na ang mga sugat ng mga kasapi ng armada ni Napoleon Bonaparte na dinapuan ng langaw at inuod ay madaling nakarekober buhat sa kanilang mga sugat.
Sa kabilang-banda, ang kauna-unahang dokumentadong paggamit ng uod o maggots sa panggagamot ay sa kaso ni Dr. John Forney Zacharias, isang Amerikanong siruhano na nagsilbing medical personnel sa panahon ng giyera sibil sa America.
Pagsipi nina Whitaker, et al., sa kanyang pahayag, “During my service in the hospital at Danville, Virginia, I first used maggots to remove the decayed tissue in hospital gangrene and with eminent satisfaction. In a single day, they would clean a wound much better than any agents we had at our command. I used them afterwards at various places. I am sure I saved many lives by their use, escaped septicaemia and had rapid recoveries.”
Ayon sa Wound Care Information Network, may tatlong nagagawa para sa pasyente ang maggot therapy:
- Nililinis ng uod ang sugat sa pamamagitan ng pagkain sa patay na laman ng sugat (kilala sa tawag na debridement).
- Dinidisinpekta ng mga ito o tinatanggal ang impeksiyon sa sugat.
- Pinabibilis ng mga uod ang paggaling ng sugat.
Sa kasalukuyan, marami-rami na ring bansa sa daigdig ang gumagamit ng ganitong pamamaraan sa pagpapagaling ng naimpeksiyong mga sugat. Kabilang na rito ng Estados Unidos, Mexico, Korea, Hapon at Australia.
Naririto ang mga bentahe ng ganitong uri ng panggagamot:
• Episyenteng uri ng paggamot sa sugat batay sa ilang resulta sa klinika o laboratoryo.
• Mahusay na ”safety record.”
• Simpling-simple ang paggamot kung kaya minsan, hindi na kailangan ng superbisyon ng duktor.
• Mura.
Gayunman, mayroon din itong disbentahe:
• Matagal itong i-apply, mga 15 hanggang 30 minuto.
• Madaling mamatay ang mga uod na ito kung kaya dapat magamit agad sa loob ng 24-oras.
Wala pang ganitong teknolohiya sa Pilipinas kaya binabalaan natin ang ating mga mambabasa na huwag basta-basta padapuan lamang sa langaw lalo na yaong hindi naman cultured o inalagaan ang kanilang mga sugat. Baka kasi sa halip na makatulong ay makasama pang lalo sa sugat. (Nailathala sa PINAS: The Filipino's Global Newspaper)
No comments:
Post a Comment