Tuesday, August 17, 2010

Kahulugan ng mga bulaklak

Nakakikilig at napakaromantiko kung makatatanggap ang isang babae ng isang pumpon ng mga bulaklak. Nakapapawi ng lungkot at pagkaminsan, ng pagkabugnot. Ngunit alam ba ninyo na ang bawat bulaklak ay mayroong itinatagong kahulugan?

Tulips. Bibihirang ibigay ang tulips bilang handog dahil sa napakamahal na presyo nito. Ang pulong tulip ay nangangahulugan diumano ng wagas na pag-ibig o pagmamahal. Pagpuri naman sa isang napakaganda o napakatamis na ngiti, ang kahulugan ng dilaw. Kapag niregaluhan ka ng isang pumpun ng tulips na iba’t ibang kulay, hangad ng nagbigay ang iyong kaaliwan.
Baby’s breath. Sinasabing ang baby’s breath (Gypsophila) ay nangangahulugan ng pagkainosente at katapatan. Kung bigyan ka ng isang lalaki ng ganito, gusto niyang ipaalam sa iyo na tapat ang kanyang nararamdaman.

Carnation. Maaaring napakamahal o napakamura ng pagkakabili sa bulaklak na ito. Sinasabing nakadepende sa presyo ng bulaklak na ito ang intensiyon o damdamin ng nagbibigay.

Kapag matingkad o iisa ang kulay na carnation ang naka-coursage sa isang babae sa panahon na inaakyat mo siya ng ligaw, nangangahulugang “oo” ang maaari niyang tugon sa iyong pagliyag. Subalit kung mayroong halong ibang kulay o lining ang talulot ng bulaklak na kanyang suot o nakalagay sa plorerang nasa ibabaw ng mesang malapit sa inyong kinauupuan, asahan nang matamlay na “hindi” ang kanyang isasagot.

Ang marosas-rosas (pink) na carnation ay nangangahulugan o katumbas ng mga salitang “hinding-hindi kita malilimutan,” samantalang ang pula naman ay nagsasabing “hinahangaan kitang tunay.”

Lily. Tapat at malinis na hangarin ang kahulugan diumano ng bulaklak na lirio o lily. Nangangahulugan din ito ng kasariwaan at kabataan. Sa mitolohiyang Romano, ang bulaklak na ito ang tumubo sa lupa nang matuluan ito ng gatas na nagmumula sa dibdib ni Juno, ang kabiyak ng makapangyarihang si Jupiter. Nag-iiba-iba ang kahulugan ng bulaklak na ito, kumporme sa intensiyon o damdamin ng nagbibigay.

Gardenia. Ang gardenia’y sumasagisag sa pagiging masining (artistic) at kababaang-loob (humility). Kapag binigyan ka ng bulaklak na ito, asahan nang itinatangi ka o mayroong lihim na pagtingin sa iyo ang naghahandog. Kung kaya, sa mga babaing ibig na magpahiwatig ng kanilang lihim na pagtatangi sa isang lalaki sa disimulado o hindi nahahalatang paraan, bigyan sila ng bulaklak na ito.

Iris. Sinasagisag ng bulaklak na ito ang wagas na pagkakaibigan, pakikipag-isa (unity), pagtitiwala (trust), paglalapitang-loob, at pag-asa. Kapag binigyan kayo ng isang bungkos ng namumukadkad (in full bloom) na iris, nangangahulugan ito ng labis-labis na pasasalamat sa inyo ng nagbibigay nito.

Sa mga kadalagahan, kung ayaw ninyong paasahin ang lalaking umaakyat sa inyo ng ligaw, bigyan din sila nito – bilang tanda ng pasasalamat sa matiyaga nila, subalit walang pag-asang, panliligaw. O sa madaling salita, “Salamat, pero kaibigan lamang ang turing ko sa’yo.”

Rosas. Ito ang pinakakaraniwang bulaklak na handog sa isang nililiyag. Ang pulang rosas ay nangangahulugan ng pagtatangi o pag-ibig; ang tikom pang rosas ay nangangahulugan ng inosenteng pag-ibig; ang bukang-buka na ay lubos na pagmamahal o pasasalamat; ang pink ay pakiusap na paniwalaan ang nararamdaman ng nagbibigay; at ang puti, nangangahulugan ng wagas at dalisay na pagmamahal. (Nalathala sa PINAS: The Filipino's Global Newspaper

3 comments:

  1. ngayon ko lang talaga nalaman ang kahulugan ng mga bulaklak.talagang may natutunan ako ssa pagbasa nito.

    ReplyDelete
  2. anu kahulugan ng panaginip ko na binigyan ko daw yung ex bf ko ng isang pulang rosas kahit na sinasabi niyang hindi na daw kami dapat nagkita pa

    ReplyDelete
  3. anu kahulugan ng panaginip ko na binigyan ko daw yung ex bf ko ng isang pulang rosas kahit na sinasabi niyang hindi na daw kami dapat nagkita pa

    ReplyDelete