Friday, August 13, 2010

Gustong gumaan ang buhay? Magprayorisa

Minsan ang buhay, parang ang gulu-gulo. Maaring bunga ang pananaw na ‘yan ng iyong kasalukuyang mood, o dumaranas ka ng pagkabagabag o kaya naman, talagang sala-salabat lang ang iyong problema at gawain sa buhay.

Sabi ni Dr. Dean F. MacKinnon, isang psychiatrist mula sa Johns Hopkin University’s School of Medicine, upang hindi “mahilo” sa mga gawain o sa mga bagay na kinakailangan mong asikasuhin sa araw-araw, dapat matuto kang magsuri: Ano ba sa kanila talaga ang mahigpit na nangangailangan ng iyong agarang atensiyon?


Pagsipi ni MacKinnon kay Dr. Bibi Das, naging kasamahan niya sa Stanford University, napakasimple lamang na gawin ang prioritization sa buhay. Katunayan, nagawa niya ang bagay na ito sa elegante at makulay—sa literal na pakahulugan—na pamaaraan.

Ani MacKinnon, matutong maglagay ng “color scheme” sa iyong mga ginagawa.

PULA. Ang mga gawaing minarkahan ng pula ay yaong mga nangangailangan ng kagyat at mahigpit mong atensiyon para matapos agad, o hindi naman kaya ay yaong tinatawag na non-negotiable emergencies. Ang mga halimbawa nito ay ang pagbabayad ng iyong buwis, mid-term at final exams, appointment sa iyong doktor, last minute holiday shopping, atbp.

KAHEL o ORANGE. Mahahalagang bagay subalit hindi naman nangangailangan ng mahigpit na deadline. Halimbawa nito ay ang pananaliksik para sa isang school presentation na sa susunod na buwan pa kailangan; pagpaplano at pamumuhunan para sa iyong pagreretiro, pagsagot sa hindi naman kailangang-sagutin-agad na mga liham o emails.

ASUL. Tinatawag na “maintenance stuff in life.” Anu-ano ito? Taunang pagsasadya sa inyong doktor para sa general checkup, pagpapatingin sa inyong dentista, pag-eehersisyo, pagpapalit ng langis ng inyong sasakyan, general cleaning ng inyong bahay.

BERDE. Ito yaong mga bagay na masasabing “go with the flow.” Sabi ni MacKinnon, ang primaryang layunin nito ay mabuhay ka nang masaya at punum-puno ng sigla. Ano ito? Pakikipag-“date” sa iyong malalapit na kaibigan, pamamasyal sa parke, pag-akyat ng bundok, pagpe-Facebook, biglaang mga lakad, atbp.

Upang matiyak na malusog ang pangangatawan at pag-iisip, ipinayo rin ni MacKinnon na dapat siguruhing balanse ang iyong buhay. Ito ang mahalagang dapat pagsumikapan mong makamit, paliwanag niya.

“Huwag mong subukan gawin ang mga gawaing “pula” at “kahel” na hindi naman isinasaisip ang “asul” at “berdeng” mga bagay. Oo, importanteng asikasuhin mo ang mga bagay na dapat na asikasuhin agad. Pero dapat mo ring paalalahanan ang iyong sarili na kung bakit ka gumagawa ng mga bagay na ito, at ito ay dahil gusto mong umani mula sa iyong mga itinanim,” patalinghagang pagtatapos ni MacKinnon.

No comments:

Post a Comment