Tuesday, July 27, 2010

Ilang weird na pamamaraan para lumusog ka

Mayroong mga araw na parang tamad na tamad tayong kumilos. Walang masama roon (malibang maging gawi na natin); kailangan din kasi ng katawan natin magpahinga.

Ang ating katawan, parang personal computer (PC) kailangan ding mag-“reboot” paminsan-minsan. Kung parang tinatamad, ayos lang na maupo lamang sa iyong couch, kumain ng paboritong biskwit na tinernuhan ng umuusok na kape o tsaa o maging chocolate drink.Ayon kay Lucy Danziger, editor-in-chief o punong patnugot ng health magazine na SELF, sinabi niyang mayroong ilang “weird” o kakatwang mga bagay na maaari nating gawin para lumusog tayo. Iyong tipong, kung gagawin mo, ay hindi mo mapaniniwalaang makapagpapalakas at makapagpapasigla sa iyo.

Matulog! Kung tinatamad, inaantok at pakiramdam mo’y ikaw’y hapĂ´, matulog ka. Ito ang magsisilbing “pamadyak” o jump-start ng iyong katawan para mapanauli ang dati nitong ritmo. Nakatutulong din umano ito para mapalusog at mapatalinong lalo ang ating utak.

Ayon sa pag-aaral ng University of California sa Berkeley, ang pagsisitanghali o mas kilala bilang siesta’y nakapagpapanumbalik ng sigla ng ating utak para muling makapag-imbak ng kaalaman, sa pagitan ng alas-12 ng tanghali. hanggang alas-sais ng gabi.

Nakatutulong din umano ang pag-idlip para matipon o makonsolida ang lahat ng kaalamang nakuha ng ating utak sa buong araw. Pinagbubuti rin ng ating siyesta ang kakayahan ng ating utak na magproseso at mag-imbak ng panibagong mga kaalaman.

Pero mayroong babala si Danziger: ialarma ang inyong relo ng 45 minuto, ang eksaktong oras o haba ng dapat ipagsiyesta. Kung hindi, baka mahimbing at magising na ng gabi.

Huminga! Ang paghinga ng dahan-dahan ay makapagpababa ng inyong altapresyon, makapapalis ng inyong pagkabagabag o anxiety, ang kirot na nararamdaman, pagkontrol sa sintomas ng hika o asthma, at makapag-iiwas sa inyo sa pamumulikat habang kayo’y nag-eehersisyo.

Samantalang nahirati o namihasa tayo sa paghinga nang mababaw sa isang stressful na sitwasyon, halimbawa, isang dibdibang pakikipag-usap sa inyong boss, ang paghinga nang malalim ay nakatutulong para lumuwag ang daanan ng inyong paghinga. Ano ang magiging resulta kung gayon? Isang mainam na sirkulasyon ng oxygen (O2) at carbon dioxide (CO2) na nakatutulong para mailabas ang tensiyon sa loob ng inyong buong katawan, ayon kay Dr. Mark Gregory, internist mula sa Washington University in St. Louis.

Ani Dr. Gregory, dahan-dahang huminga paloob (inhale) sa pamamagitan ng inyong ilong at humingang palabas sa pamamagitan naman ng inyong bibig, habang nakahawak ang inyong mga kamay sa inyng tiyan. Kailangang madama ninyo ang paglaki nito habang habang humihinga kayo.

Sa inyong paghinga palabas, isipin ninyong hinihipan ninyo ang kandila sa ibabaw ng inyong birthday cake, na hagyang nakanguso. Ulit-ulitin ito at mapagpatatanto ninyo na marunong na kayong huminga nang malalim.

Maupo sa inyong beach chair! Tinatamad kayong maglakad-lakad sa baybayin? Makipaghabulan sa inyong mga kasama? E di maupo ka na lamang sa ‘yong beach chair! Habang ginagawa ninyo ito, makalalanghap ka ng hanging maraming negative ions mula sa alon ng dagat, hangin at araw.

Ayon kay Namni Goel, Ph. D., assistant professor sa psychiatry sa University of Pennsylvania, ang hanging may negative ions ay nakatutulong para dumami ang serotonin sa inyong katawan o isang uri ng hormone na nakapagpapagaan ng pakiramdam.

Kung hindi mo namang magawang makapunta sa tabing-dagat, buksan mo na lang ang bintana ng iyong kuwarto o maglakad-lakad ka sa parke o sa isang lugar na tahimik. Dahil sa negative ions na naglilinis ng hangin at nagpapataas ng inyong serotonin levels, napakadali ang ngumiti at gumaang ang pakiramdam na kailangan mo naman para mapanatiling malusog at malakas ang sarili.

2 comments:

  1. tietin - Tietin by Tietin | Tietin Online
    Tietin. Tietin is the most famous habanero pepper in the world, titanium max but it titanium scooter bars still is among titanium blue ps4 controller the titanium sheets most popular varieties of chili peppers. The flavor of tietin  Rating: 5 titanium granite · ‎7 reviews

    ReplyDelete