BUNGA’Y pagkatamis-tamis, pagkaliliit-liit, pagkapula-pula—aratilis.
Lumaki ang awtor na ito sa pagkain ng aratilis (Muntingia calabura L.) o kilala rin sa Ingles na Jamaica cherry. Dahil madaling tumubo, dumami, mamulaklak at magbunga, ang punong ito ang paboritong akyatin ng mga bata sa amin samantalang bitbit ang mga plastik ng yelong pupunuin ng mapupula at masasarap na bunga nito.
Galing ang punong ito sa America Latina at saganang tumutubo sa Katimugang Mehiko sa Gitnang Amerika, ang tropikal na Timog Amerika, Greater Antilles, St. Vincent at Trinidad at siyempre pa, sa Jamaica.
Ayon sa pag-aaral sa El Salvador, masustansiya talaga ang bunga ng aratilis: nasa 77.8 grams ang moisture content nito; ang protina o protein, 0.324g; fat, 1.56; ash 1.14; calcium 124.6 mg; phosphorus, 84.0 mg; iron, 1.18 mg; carotene, 0.019 mg; thiamine, 0.065 mg; riboflavin, 0.035 mg; niacin, 0.554 mg; at ascorbic acid o Vitamin C, 80.5 mg.
Sabi ng matatanda, kung gusto mong huwag sipunin, aratilis ang kainin.
Bukod pa rito, mahusay ring antiseptic o panlanggas sa sugat ang bulaklak ng punong ito. Sinasabing antispasmodic din ito at nakatutulong para maibsan ang sipon at sakit ng ulo.
Sa kabilang-banda, ang hiblang mula sa balat ng punong ito ay maaaring gawing matibay na tali at ang kahoy naman ay maaaring gawing kahon at muwebles. (Article first appeared in PINAS The Filipino's Global Newspaper).
No comments:
Post a Comment