Nakagugulat pero to too! Sinasabi ng Internal Medicine News na ang pag-inom ng tatlong tasang tsaa ng hibiscus tea o tsaang gawa sa gumamela ay nakapagpapababa ng presyon ng iyong dugo.
Batay sa naturang ulat na isinulat ni Bruce Jancin, sinabi mismo ni Diane McKay, Ph.D., na ang pagsama sa kaukulang diyeta ng isang hypertensive o dumaranas ng pagtaas ng presyon ng dugo, ng gumamela (Hibiscus sabdariffa) tea, makatutulong ito sa kanya para mapanatiling nasa normal na kundisyon ang presyon ng kanyang dugo.
Bukod sa ulat ng Internal Medicine News, pinatunayan din ng The Journal of the Science of Food Agriculture sa Taiwan, na nakatutulong nga sa pagbaba ng antas ng kolesterol ang pag-inom ng tsaang gawa sa bulaklak ng gumamela kung kaya mainam itong inumin para makaiwas sa sakit sa puso.
Maliban dito, napatunayan ding mayaman sa Bitamina C ang tsaang ito at nakatutulong din para maging presko ang ating pakiramdam.
Paano ihanda ang healthy tea na ito?
Kakailanganin mo ng:
- Katamtamang laki ng kaserola o saucepan (huwag yari sa aluminyo o aluminum dahil may reaksiyon ito sa ating inihahandang herbal tea)
- Cinnamon sticks (mabibili ito sa inyong suking supermarket)
- Sariwa o pinatuyong bulaklak ng gumamela
- Apat na tasang tubig
- Pitsel na pagsasalinan ng ating tsaa
- Asukal o pulot (honey) para sa ating pampatamis
- Maliit na dayap o lemon, puwede ring kalamansi
Una: Pakuluin sa saucepan ang apat na tasang tubig. Kapag kumulo na, patayin ang apoy.
Pangalawa: Ihulog sa ating pinakulong tubig ang walong malalaking bulaklak ng gumamela o kaya naman, dalawang kutsarang pinatuyong talulot nito. Magdagdag ng isa hanggang dalawang cinnamon sticks o depende kung gaano katapang mo gustong maging ang iyong tsaa.
Pangatlo: Takpan ang ating saucepan at hayaang na kababad ang ating gumamela at cinnamon nang 15 hanggang 20 minuto. Matapos nito, hanguin agad ang bulaklak dahil kapag nagtagal ito sa tubig, papait ang ating ginawang tsaa.
Tandaan: Para sa mas ma tapang na tsaa, dagdagan lamang ang dami ng bulaklak na ating paluluuyin (steep) sa tubig.
Pang-apat: Salain ang ating bagong tsaa at isalin ito sa ating pitsel. Lagyan ng katas ng lemon at asukal o pulot, depende sa iyong panlasa. O pupuwede ring huwag nang lagyan mismo ang nasa pitsel at hayaang ang maglagay ng pampatamis ay iyong iinom.
Panglima: Isalin sa basong may yelo ang ating tsaa.
Maaring magtagal sa loob ng ating fridge ang natirang tsaa ng tatlong araw. Matapos nito, itapon na at gumawa ng panibago (Published in PINAS The Filipino's Global Newspaper; methods of how to prepare a hibiscus tea is from eHow.com; photo courtesy of Online Mindanao).
ok nga yan kasi d2 sa middleast karaniwang inumin ang hibiscus tea. siguro magandang negosyo yan sa pinas kasi mayamn ang lupa natin at ang gumamela pwedeng mabuhay kahit saan.
ReplyDeletepwede po ba to sa buntis?
Delete